MAGBABALIK na ang PBA All-Star matapos magpahinga ng ilang taon dulot ng pandemic. Pero naging usap-usapan ang ilan sa 24 manlalaro na napabilang sa All-Star Game na lalaruin sa Passi, Iloilo ngayong March 9-12.
Aminin natin, may ilang PBA players ang mas deserving na mapabilang sa All-Star Game subalit hindi pinalad dahil hindi sila popular o ang kanilang koponan.
Tama naman si PBA commissioner Willie Marcial na para sa fans ang All-Star Game at dapat sila lamang daw ang dapat bumoto rito.
Pero tingin ko, may magagawa si Marcial upang bigyan ng kredibilidad ang nasabing mid-season showpiece at hustisya na rin sa mga deserving na manlalaro. Nag-suggest na nga si Rain or Shine coach Yeng Guiao ng isang alternatibo na gawing 80% sa fans at 20% sa media at peers ang botohan.
Para sa miron na ito, narito ang tatlong dahilan na maaaring tingnan ng PBA kung bakit kailangan baguhin ang botohan sa All-Star Game.
Una, maaaring mas tumaas ang quality ng mga laro sa PBA kung ang magiging labanan sa All-Star inclusion ay ang husay ng ipinakita at hindi lang popularity. At kung makakapasok ang player sa All-Star Game, bigyan sila ng incentives (mula sa mother teams at liga).
Sa NBA, may mga manlalaro (kadalasan star players) ang may incentive o bonus kapag napabilang sila sa All-Star Game.
Nagtanong ako sa dalawang kilalang sports agents at sinabi nila na walang ganitong clause sa mga kontrata ng players nila. Kadalasan lang daw ang nasa kontrata ay ang incentive kung mananalo sa Annual Awards.
Pero ayon sa isang agent, may ilang teams na nagbibigay ng “token” kapag ang player nila ay napapabilang sa All-Star Game kahit wala ito sa kontrata nila. Ayon naman sa isang agent, may nakukuha ang player sa All-Star Game mula sa sponsors.
Ihalintulad natin ito sa anumang trabaho. Kung productive ka, madalas may bonus ka sa company mo. Kung tatamad-tamad ka, sorry na lang.
Pangalawa, baka mabawasan ang tingin sa PBA na isang SMC-MVP league.
Hindi na mamatay ang isyu na ang PBA ay paliga na lamang ng SMC at MVP teams. Bakit hindi?
Simula 2012-13 season, 24 sa 26 kampeonato, ang mga koponana ng SMC at MVP group ang nag-uwi ng titulo. Ang huling team na hindi kabilang sa SMC at MVP group na nag-champion sa ay ang Rain or Shine noong 2015-16 Commissioner’s Cup.
Sa darating na All-Star Game, 15 players ang galing sa SMC at lima sa MVP. Sa apat na reserves, isa ang sa SMC (Jio Jalalon) at isa sa MVP (Calvin Oftana).
Maganda yung suggestion ni Guiao. Maaari ring tingnan ang ginagawa ng NBA na coaches ang pumipili ng reserves at hindi nila maaaring iboto ang players nila. Sa ganitong paraan, maaaring hindi na lamang players mula sa SMC at MVP ang mapapabilang sa All-Star Game.
Mabibigyan ng equal chance ang wala sa SMC at MVP group na makapasok sa All-Star Game. Plus pogi points ito sa PBA.
Lumitaw na ang mga pangalan nina Juami Tiongson (Terrafirma), Maverick Ahanmisi (Converge) at Don Trollano (NLEX) bilang “biggest snubs” sa darating na All-Star Game. Nag-effort pero hindi napansin. Hindi kasi sikat.
Panghuli, ang All-Star Game ang magandang opportunity sa PBA na ipakilala sa buong bansa ang ibang manlalaro na hindi napapansin dahil wala sa sila sa Ginebra, San Miguel, Magnolia o TNT.
Naalala ko ang sinabi ni Marcial nung kasagsagan ng isyu ng ilang college standouts na nagdesisyon na maglaro sa mga liga sa Korea, Japan at Taiwan. Aniya, patuloy na lilikha ang PBA ng star players kahit pa hindi mag-PBA ang mga college standout na ito.
Totoo naman dahil maraming mahusay na players sa bansa. Ang iba hindi lang nabibigyan ng exposure o tamang marketing upang mas makilala.
Magandang venue sana ang All-Star Game upang ipakilala ang gaya nina Tiongson, Ahanmisi at Trollano sa PBA fans sa buong bansa.
Sabi ni Marcial, hindi niya nakikitang mababago ang sistema ng botohan sa All-Star Game. Fans pa rin daw ang masusunod. Sana hindi pa ito nakataga sa bato.
Feeling ko, maraming PBA fans ang nagnanais din ng pagbabago sa botohan ng All-Star Game. Dahil ang gusto natin ay ang mga deserving na All-Star ang magningning sa extravaganza na ito.
Get more of the latest sports news & updates on SPIN.ph