
HINDI na kailangan tumingin sa malayo ni PBA commissioner Willie Marcial at ng buong board kung paano pababanguhin muli ang brand ng PBA.
Go international.
Ang kasalukuyang best-of-seven Commissioner’s Cup championship series ng Ginebra at Bay Area Dragons ay isang napakagandang senyales sa PBA kung paano bubuhayin ang interes ng fans sa oldest league in Asia.
Tabla ngayon ang serye sa 3-all.
READ: Phoenix, coach Topex Robinson part ways
Kung may hulihan ng scalpers, mga artista at mga politiko na nasa courtside, mga kamag-anak ng sportswriters nagmamakaawa sa compli tickets at madami-daming ads during commercial gap, signs yan na hottest ticket in town na naman ang PBA.
At ang umaapaw na venue bawat finals game ay isang napakagandang pangyayari sa PBA sa nakalipas na isang dekada. Sa anim na laro, ang Kings-Dragons duel ay may combined na 110,000 plus fans na nanood sa venue. Bukod pa sa mga sumubaybay online.
Ngayon, ang hamon sa PBA ay paano isu-sustain ang momentum na ito.
READ: Game 6 draws biggest PBA crowd in pandemic
Of course, mawawala na ito saglit sa Governors’ Cup dahil ang Gilas Pilipinas na ang magiging pokus ng Pinoy fans dahil ngayong taong gaganapin ang FIBA World Cup.
Ang suggestion sa PBA ay magkaroon ng malaking pagbabago sa kanilang calendar sa darating na 48th season.
Maaari pa rin naman nilang panatilihin ang three-conference format pero sa halip na Governors’ Cup, gawin itong Invitational tournament.
Mag-imbita ng apat na koponan sa mga liga sa Korea, Japan, Taiwan o China lalo na’t marami-rami ng Pinoy cagers sa mga nasabing bansa (except sa huli). Isama sila sa isang bracket ng apat na PBA teams na kulelat sa Philippine Cup at Commissioner’s Cup.
Ang isang bracket ay bubuuin ng top eight PBA teams batay sa kanilang combined record sa naunang dalawang conferences. Pwedeng seeded ang champion sa Philippine Cup at Commissioner’s Cup. Tapos ang best next six teams ang kasama nila.
Madaling sabihin ito pero logistics at scheduling ng ibang Asian leagues ang magiging hamon sa PBA. Pero kung magagawa ng PBA ito, siguradong aabangan muli ito ng fans.
Kung babalik ang PBA sa traditional three-conference format, sayang ang puhunan na nakuha nila sa Kings-Dragons series. Kailangang global na ang PBA. Umay na ang tao sa paulit-ulit na SMC-MVP finale.
At ang lagkit at init na ipinakitang pagsubaybay ng PBA fans sa Ginebra-Bay Area showdown ay isang clue kay Marcial kung saan dapat papunta ang liga ngayon.
Kaya sa Game 7 sa Philippine Arena, asahan muli ang hulihan ng scalpers, mga pa-VIP na personalidad at mahabang commercial gaps ang matutunghayan sa Linggo.