TULOG pa ang maraming Pilipino nang umukit ng kasaysayan si Alex Eala sa larangan ng tennis nang iuwi ang korona ng US Open girls singles title sa Flushing Meadows, New York. Sabado ito sa kanila at Linggo ng umaga sa atin.
Ginulat ng 17-anyos na si Eala, ang teenage prodigy ng Rafael Nadal Academy, ang No. 2 seed na si Lucie Havlickova ng Czech Republic, 6-2, 6-4, sa finals para maging unang Pinoy na nagwagi ng Grand Slam singles title.
Nagkampeon na rin kasi si Eala sa French Open (2021) at Australian Open (2020) pero ito ay sa doubles event.
Pinay Power
Ipinagpatuloy ni Eala ang pamamayagpag ng mga Pilipinang atleta sa world stage.
Inumpisahan ito ni weightlifiter Hidilyn Diaz nang ibigay sa bansa ang unang Olympic gold medal sa Tokyo noong nakaraang taon. Noong 2021 din nagkampeon si Yuka Saso sa U.S Women’s Open golf bago magpalit ng nationality.
Kasama rin sa Pinay Power ang ating Philippine women’s football team na pumasok sa 2023 World Cup at nagkampeon sa katatapos na AFF Women’s Championship nitong Agosto.
[READ: Alex Eala wins US Open girls' title for first grand slam]
At nitong linggo, isa na naman babae ang nagbigay ng karangalan sa bansa sa katauhan ni Eala.
Subalit mas humanga ako sa kanyang naging speech. Nasa wika natin. Hindi siya nag-Ingles kahit kaya niyang magsalita sa wikang ito. At siguradong mas marami ang naantig ang damdamin sa kanyang mga sinabi.
Narito ang ilang bahagi ng kanyang panayam:
“Unang-una gusto kong magpasalamat sa pamilya ko. Kasi, kung di para sa kanila, hindi ko talaga ito kakayanin. Maraming salamat din sa lahat ng nagdasal at nagsuporta sa akin. Sa aking mga sponsors…….sa aking team, at Rafael Nadal Academy…maraming, maraming salamat po!
"Buong puso ko itong ipinaglaban hindi lang para sa sarili ko kundi para makatulong din ako sa kinabukasan ng Philippine tennis.
"So, hindi lang ito panalo ko. Panalo natin itong lahat.”
Ngayon lang ata ako nakarinig ng isang pahayag mula sa isang Pilipinong atleta na nagwagi sa world stage gamit ang ating wika. Historic din ito para sa akin.
Sa katunayan, hindi na bago ito. Maraming sikat na atleta sa buong mundo ang ginagamit ang kanilang wika kung sila ay iniinterbyu. Sina Pele at Maradona ang halimbawa sa football at Shohei Ohtani ng Major League Baseball.
Dito ako mas humanga kay Eala. Hindi lang niya itinanghal ang kanyang husay sa tennis. Pati na rin ang sarili nating wika na napakinggan ng buong mundo.
Kaya sana maging normal na sa mga Pilipinong atleta ang magsalita sa ating wika tuwing kinakapanayam sa ibang bansa. Kung mas komportable mag-Ingles, fine. Kung di naman, gumamit ng interpreter tulad nang ginagawa ng iba. Di nga ba kapag may K-pop idols na bumibisita dito sa Pinas, may baon silang interpreter?
Minsan kasi, sa sobrang pasikat ng ilang atleta mag-Ingles kahit di naman nila gamay ito, nalo-lost in translation. Nangyari ito sa isang beauty pageant. Major, major problem.
Naalala ko tuloy ‘yung “Cleto Reyes” incident na nag-viral noon. Dahil hindi mabigkas nang maayos ng isang Pinoy boxer ang brand ng gloves, naging katawa-tawa ang dating. Hindi ko na dadagdagan ang kuwento. SPG na kasi.
Kaya, mabuhay ka Eala. Sana ito ang simula ng marami mong tagumpay. At sana ipagpatuloy mo ang paggamit ng wika para mas marami pang Pilipino ang maintindihan at gawing kang inspirasyon sa buhay!
Get more of the latest sports news & updates on SPIN.ph