ANG 2023 ang magiging pinakamalaki at makasaysayang taon para sa Philippine sports dahil dalawang koponan natin ang lalahok sa World Cup.
Unang sasalang ang ating women’s football team o ang Filipinas sa Fifa Women's World Cup mula July 20 hanggang August 20 na lalaruin sa New Zealand at Australia.
Hahamunin naman ng ating men’s basketball squad o ang Gilas Pilipinas ang basketball powerhouse nations sa Fiba World Cup mula August 25 hanggang September 10 kung saan tayo ang host ng world-class event na ito.
[READ: SBP seeks P1.5B from government for World Cup hosting]
Aminin natin, mas maraming Pinoy ang aware sa World Cup stint ng Gilas kaysa sa pag-qualify ng Filipinas sa Fifa World Cup. Bahagi pa rin ito ng pagiging “basketball crazy” natin.
Kumbaga, hindi na kailangan ng Gilas nang matinding media strategy upang makahingi ng suporta sa mga Pilipino para sa World Cup participation nito kumpara sa ating Filipinas, na sa unang pagkakataon dadalhin ang bansang Pilipinas sa world stage.
At dahil tayo ang host ng Fiba event, sumaklolo ang SBP sa gobyerno upang tulungan sila sa gastusin. P1.5 bilyon ang hinihingi ng SBP sa gobyerno na ayon sa basketball federation ay 40% ng total budget na inilaan nila sa hosting.

Kung maaaprubahan, ito ay papasok sa General Appropriations Act sa pamamagitan ng Philippine Sports Commission (PSC) kung saan ang chairman ay si Noli Eala, ang dating PBA commissioner at SBP executive director.
Sa isang Senate hearing, mahigit P5 bilyon ang hinihinging budget ng PSC para sa 2023 at P3.795 bilyon dito ay para sa itatayong Philippine Sports Training Center sa Bataan. Sa mga report na nabasa ko, binanggit ni Eala ang suporta ng PSC sa hosting ng Pilipinas sa Fiba World Cup.
Dahil siguro walang nagtanong kay Eala o hindi lang alam ng mga Senador natin, wala siyang nabanggit tungkol sa suporta ng PSC sa partisipasyon ng Filipinas sa World Cup.
Naniniwala naman ako na maglalaan ang PSC ng budget para sa preparasyon ng Filipinas para sa World Cup. Ang di lang natin matiyak ay magkano at hanggang saan ang suportang ibibigay ng PSC sa ating women’s football team.
Ito ang hamon kay Eala. Hindi na siya PBA commissioner o executive director ng SBP. Siya na ang head ng government sports agency na tumintingin sa kapakanan ng lahat ng national athletes sa Pilipinas.
Kaya kung mapagbibigyan ang hiling ng SBP na P1.5 bilyon, sana maglaan din ng sapat na pondo ang PSC hindi lamang sa World Cup stint ng Filipinas pati sa international tournaments na sasalihan ng iba pang Pinoy athletes. Para walang selosan.
Dito tali ang mga kamay ng PSC. Paano kung hindi aprubahan ang hinihiling nilang mahigit P5 bilyong budget? Tandaan, P218 milyon lang inendorso ng Department of Budget and Management sa PSC para sa susunod na taon.
Sana tumulong ang PSC at iba pang private groups sa pag-promote ng World Cup campaign ng Filipinas sa susunod na taon. Tingin ko, kulang na kulang tayo dito.
Maaari mag-organize ng pocket tournament bago ang World Cup. Hindi ito madali dahil sa isyu ng lokasyon at pagkakaroon ng natural grass field na pangunahing requirement ng Fifa. At availability ng mga bansang nais nila makalaban.
Kung hindi man mini-tournament, kahit friendly matches dito sa ating bansa laban sa mga bansang mataas ang ranking sa Filipinas na may free TV coverage para makalikha ng awareness sa buong bansa.
Walang duda na buo ang suporta natin sa mga Pilipinong atleta na lumalaban para sa bansa. Sana lang, bigyan natin sila ng parehong pagtingin at suporta dahil iisang bandila lang naman ang dala nila sa mga international competition.
Get more of the latest sports news & updates on SPIN.ph
NOTICE ON UNAUTHORIZED AND UNLAWFUL USE, PUBLICATION, AND/OR DISSEMINATION OF SPIN.PH CONTENT: Please be notified that any unauthorized and unlawful use, publication, and/or dissemination of Spin.ph’s content and/or materials is a direct violation of its legal and exclusive rights to the same, and shall be subject to appropriate legal action/s.