Rank Country Gold Silver Bronze Total
    View Today
    Sat, Mar 28

    Kenneth at Jun San Andres: Samahang walang katulad

    Dec 18, 2019

    MARAMI sa atin ang nakasubaybay at patuloy na nasusubaybayan o nakakabasa ng kaganapan sa karera ni Kenneth San Andres, na sa edad walo ay naging pinakabatang kinatawan ng Pilipinas sa larangan ng motocross event.

    Sa ngayon ay 30 years old na ang baby-face pa ring si Kenneth at tuluy-tuloy ang kanyang pagsabak sa motocross competitions dito sa Pilipinas at maging sa abroad.

    IMPLUWENSIYA NG AMA SA ISPORT

    “Nung 5 years old po ako nung magsimula akong mag-motocross, tapos tuluy-tuloy na,” panimula ni Kenneth. “Bale po, 3 ½ years old ako may motor na akong maliit, marunong na po akong mag motor nun.”

    “Bakit po motor? Ah, kasi po si Papa. Siguro po impluwensiya na rin kasi nagmo-motor si Papa, kaya bata pa po talaga ako nagkahilig na ako sa motor,” lahad ni Kenneth. “May race track po ako sa likod ng bahay namin noon.”

    KABA AT DISGRASYA

    Katulad sa ibang sports, nakaranas si Kenneth ng disgrasya habang nasa kompetisyon.

    Continue reading below ↓

    Ayon kay Kenneth, itinuturing niyang lahat ng sinalihang laban ay may dalang kaba, lalo na kung international. Pero hindi niya iniisip ang disgrasya. Tanging ang makapag-uwi ng karangalan sa bansa ang nasa isip niya.

    “Hindi ko po iniisip ‘yung disgrasya o aksidente, nakakasira po ng diskarte at pokus, kakabahan ka tapos mawawala ka sa pokus sa competition,” ani Kenneth.

    “Opo, delikado po ‘yung sports at nakakakaba, pero kung kumpleto naman po sa paghahanda, saka ‘yung gears po namin, kailangan lang din po may proper training, kaya nababawasan po ‘yung aksidente,” paliwanag pa ni Kenneth na ngayo’y may asawa at isang anak na.

    Continue reading below ↓

    Kung may maituturing siyang pinaka-grabeng aksidente na natamo, ito ay noong siya ay edad katorse.

    “Nung 14 years old po ako nabali ‘yung dalawang braso ko. ‘Yun po kasing lakas ng impact habang hawak ko yung motor, mali ang landing, ‘yun po,” pagbabalik-tanaw ni Kenneth. “Ayun po, pumasok ako sa school naka-semento ung braso ko, pero ‘yung mga injury ko po puro ganun lang, walang operasyon.”

    Sa kabila nito, hindi nabawasan ang kanyang interes sa motocross.

    Katunayan, mas higit pa siyang nagpursige at dinagdagan ang sipag sa pagsasanay, na nagbunga ng 18 titulo, kasama na rito ang siyam na sunod na pagiging Rider of the Year, bukod pa sa taun-taong PSA award na tinatanggap hanggang 2018.

    MY FATHER, MY COACH

    Maituturing nating isa sa matagumpay na father and son tandem itong sina Kenneth at amang si Jun, na isa ring beteranong motocross rider.

    Ang 52-anyos na si Jun ay tinanghal pang 2017 FIM Asian Motocross Veterans’ Division champion.

    Continue reading below ↓

    Gaya nang nabanggit natin, si Jun ang malaking impluwensiya kay Kenneth sa pagmo-motor. Mula pagkabata ay magkasama ang mag-ama at si Jun na nga ang tumayong coach ni Kenneth.

    Aminado ang mag-ama na nagkakaroon din sila ng pagtatalo kahit sa kasagsagan ng kompetisyon.

    “Kailangan ng rider ng coach o ‘yung matatawag natin na magsisilbing mata ng rider,” komento ni Jun.

    “Opo, madalas po kami magtalo,” ani Kenneth sabay tawa. “E kasi po magkaiba kami ng opinion sa track.”

    “Ganito kasi, pag rider ka may tendency na akala mo tama na ‘yung ginagawa mo, akala mo mabilis ka na, pero dun sa nakakakita o ‘yung nanonood lang na coach mo or kung sinumang guide mo, hindi pala,” paliwanag ni Jun.

    Paano nareresolba ang anumang pagtatalo?

    “Simple lang naman yan, dahil karera dinadaan sa time, mas maganda, gawin mo muna ‘yung sinasabi nung coach, ‘yung nakakakita sa ginagawa mo, then i-compare natin kung tama ba. Kung mas mabilis ‘yung ginagawa mo, or kung mas mabilis ‘yung suggestion ko, ganun,” lahad ni Jun.

    Continue reading below ↓

    “Para hindi kayo mag-debate, sundin mo na lang, ganun lang kasimple remedyuhan, magpa-oras ka,” dagdag pa niya.

    “Nung kumakarera pa kasi ako, akala ko ang bilis ko, pero may nagsasabi sa akin na mali ung ginagawa ko. So pinapakinggan ko muna ung sinasabi sa akin, then gagawin ko, pag mas mabilis ako dun sa sinasabi niya, e di mali nga ako sa ginagawa ko. ganun lang,” aniya pa.

    Continue reading below ↓

    Para kina Jun at Kenneth, hindi lang sila mag-ama.

    “Kami kasi ni Kenneth, barkada kami. Magkaibigan kami, kaya siguro ‘yung bonding namin is beyond father and son.”

    BAGONG HAMON

    May hamon (challenge) pa ba kay Kenneth ang motocross?

    “Ah, meron pa rin naman po, nakaka-challenge kasi ‘yung mga batang rider ngayon na nakikita ko, malalakas, mahuhusay, parang gusto kong makipag-compete sa kanila,” wika ni Kenneth, na nagtapos ng kursong IT sa Manila Central University (MCU).

    Kaugnay nito, ayon kay Kenneth, mayroon siyang pinasok na bagong hamon. Ito ay ang supermoto.

    “Siguro po dahil napakatagal ko nang ginagawa ang motocross, medyo may sawa factor na, kaya ngayon nag-try po ako ng bagong challenge, ito po ‘yung super moto. Bale one year pa lang po ako sa supermoto,” kuwento ni Kenneth.

    Ano ang kaibahan ng motocross at supermoto?

    “Supermoto is combination po ng motocross and road race, 70 percent motocross, 30 percent road - may flat track, obstacles then road race. So ‘yun po ang panibagong challenge sa akin, halo po kasi siya,”wika pa ni Kenneth.

    Continue reading below ↓

    Dagdag pa ni Kenneth, dahil sa rami na rin ng achievement niya sa motocross, iniisip niyang mag-pokus sa supermoto.

    “Bagong challenge sa akin. Siguro po pag-ayaw ko na sa motocross, kasi parang okey na po ako sa nagawa ko sa motocross, baka po i-consider ko mag-concentrate sa supermoto.”

    Hanggang supermoto lang ang plano ni Kenneth, ayaw niyang subukan ang superbike.

    “Wala po akong balak sa superbike. Bukod po kasi sa mas magastos ‘yun, mas delikado. Tumatakbo po kasi un nang nasa 300kph, sobrang bilis po,” aniya.

    Maging ang amang si Jun ay hindi sang-ayon na subukin ng anak ang superbike.

    “’Yung isang pagkakamali mo sa turn, tapos ang karera mo,” ani Jun.

    PROBLEMA SA RACETRACK

    Kapag may lalahukang kompetisyon si Kenneth, kinakailangan niya ng dalawa hanggang tatlong buwang pagsasanay at paghahanda.

    Katulad ng international motocross sa Disyembre. Kailangan itong paghandaang mabuti ni Kenneth.

    Pero, paano siya makapaghahandang mabuti kung walang maayos na race track?

    Continue reading below ↓

    “’Yun nga po ang problema, wala po kasi tayong maayos na race track. Kung tutuusin ‘yung NAMSSA lang po ang may maayos na race track. ‘Yung iba po kasi hindi po tama ung design. May standard po kasi ‘yung design ng race track. ‘Yun po ang kulang natin,” litanya ni Kenneth.

    Ayon kay Kenneth, sa US dahil na rin sa rami ng sumasali sa motocross o iba pang motorcycle races, kaya marami ring race track.

    “Sa US po kahit saan ka po pumunta, makakapag-praktis ka sa iba-ibang design ng track.”

    Ayon kay Jun, importante sa race track ung safety ng rider, kaya mahirap ang maintenance nito. Kapag hindi naalagaan, mawawala na sa porma at nagiging delikado sa rider.

    “Mahirap din kasi ang maintenance ng race track. Gaya dito sa atin, pag naulanan ‘yung race track, maiiba na ‘yung porma nung mga hills, kaya mahirap talaga mag-maintain. Kailangan kasi ‘yung safety ng rider ang importante. May tamang sukat, angle para sa pag-take off ng rider, kailangan standard. Kailangan kasi ung lalandingan mo sakto sa sukat, kailangan talaga ung design standard,” paliwanag pa ni Jun.

    Continue reading below ↓

    Dahil nga sa kakulangan ng race track, madalas ay napipilitan ang mag-amang San Andres na magtungo sa ibang bansa para lang makapaghanda sa isang kompetisyon.

    “Marami po tayong race track, kaya lang po hindi tama ung design,” ani Kenneth. “Meron pong magandang race track sa Palawan, NAMSSA rin po ang in-charge dun, lalo na nung ginagawa pa roon ‘yung mga competition.”

    APEKTADO RIN NG TRAPIK

    Dahil sa problema sa trapiko, apektado rin ang ensayo ni Kenneth.

    “Three times kami nag-eensayo, sa Bicutan (Taguig) kami nag-eensayo kasi nandun ang race track ng NAMSSA, kaso problema talaga ‘yung trapik sa biyahe,” pahayag ni Jun, na nanggagaling pa mula sa kanilang bahay sa Valenzuela City.

    May insidente rin na dahil sa trapik ay late na silang dumating sa kompetisyon, kaya’t hindi na nakapag-warm up o praktis si Kenneth.

    Kaya naman ang ginagawa ng mag-ama ay dumadayo na lang sa Tarlac kung saan mayroon ding race track.

    Continue reading below ↓

    “Dumadayo kami sa Tarlac para makapag-practice, kasi ‘yung biyahe from Valenzuela to Tarlac, parang bumiyahe na rin kami ng Valenzuela to Taguig, dahil sa trapik,” natatawang kuwento ni Jun.

    SUPORTA NG PAMILYA

    Masasabing masuwerte si Kenneth, dahil suportado siya ng pamilya sa isport na kanyang napili. Bukod sa kanyang ama, ang inang si Beng at ate Krista niya ay todo ang suportang ibinabato kay Kenneth.

    Continue reading below ↓

    “Supportive po talaga ang family ko, si Papa mula’t sapol nandyan. Kahit si Mama, though hindi siya nanonood ng karera ko,” sambit ni Kenneth.

    “Kahit naman ‘ung ate niya hindi sumasama sa karera. Siguro, hindi lang nila kayang manood. Tingin ko ayaw nila ‘yung mainit, mainit kasi sa karera (haha),” ani Jun.

    Nabanggit din ng mag-amang San Andres ang kakulangan ng suporta ng gobyerno sa motocross. Binanggit nila na may mga kompetisyon sa abroad na sa bulsa nila nanggagaling ang gastos.

    Ani Kenneth: “Kulang po ang suporta.”

    Ayon pa kay Jun, wala na rin silang nahihinging tulong o nakukuhang tulong mula sa Philippine Sports Commission (PSC). Pero nilinaw nila na hindi naman sa lahat ng oras ay sa bulsa nila hinuhugot ang panggastos.

    “Hindi naman sa lahat ng sinasalihan namin e kami ang gumagastos, may mga competition, lalo na pangmalaki at maganda ang karera, libre lahat,” komento ni Jun. “Bukod kasi sa exposure, may obligation kami sa sponsors. Kailangan maipakita namin na hindi sayang ‘yung pag-sponsor nila sa amin.”

    Continue reading below ↓

    Iminado si Jun na magastos ang sports ni Kenneth. Katunayan ay kapapalit lang nila ng motor.

    “Magastos ang motor sports, kailangan kasi ‘ung gamit mong motorsiklo updated, kundi hindi ka makakasabay sa kalaban.”

    “Kakapalit ko lang ng model ng motor, ang motor po kasi pag 2 years na hindi na pwede for competition. Ung mga luma, ibibenta. May bumibili po, lalo na ‘ung mga nagsisimula pa lang sa sports, ganun po,” lahad pa ni Kenneth.

    Kahit motorsiklo ang kanyang sports, si Kenneth ay hindi nagmo-motor sa kalsada.

    “Ayaw ni Papa, ayaw ko rin po kasi mainit, haha,” aniya. “Delikado po e.”

    “Hindi naman sa mabilis siyang magpatakbo, pero talagang pang competition lang ang pagmo-motor ni Kenneth,”sambit naman ni Jun.

    NALALAPIT NA PAGRERETIRO

    Hindi rin itinanggi ni Kenneth na nararamdaman na niyang malapit na siyang mag-retiro bilang rider.

    “Feeling ko po malapit na. Kasi po satisfied na rin po ako sa achievements ko sa motocross. Kagaya po ngayon may family na po ko. Medyo mahirap na rin po i-manage ‘yung time ko sa family at sa motocross, tumutulong din po ako sa business ng family,” pagkakalkula ni Kenneth, na mayroon na ring isang anak sa misis na si AJ.

    Continue reading below ↓

    “Hindi ko po masabi kung ilang taon pa ako kakarera, pero tingin ko po malapit na ko mag-retire,” aniya.

    Maging si Jun na manaka-naka’y sumasali pa sa karera (veteran division) ay aminadong malapit na silang magretirong mag-ama.

    “Pag totally nawala na ‘yung sponsors namin, dun na kami mag-iisip ng retirement,” dagdag ni Jun.

    “Tingin ko sa dami na rin ng achievements ni Kenneth, ‘yung retirement hindi na maiiwasan, it’s just around the corner. Saka may pamilya na rin siya. And mahirap na rin siguro mapantayan ‘yung contribution niya sa motocross, merong magagaling na bata ngayon, pero siguro matatagalan bago magawa ‘yung mga nagawa ni Kenneth,”pahayag pa ni Jun.

    PLANO MATAPOS MAGRETIRO

    Ayon kay Kenneth, posibleng magturo siya sa mga bagitong riders matapos magretiro.

    “Siguro po magtuturo na lang ako sa mga aspiring riders. Meron na nga po nagpapaturo ngayon, marami na po lumalapit, kaya lang ‘di ko naman po maharap,” pakli ni Kenneth.

    Continue reading below ↓

    “Mahirap kasi kung half-hearted lang ang atensyon na mabibigay mo sa pagtuturo. Mahirap magturo pag active ka pa, hindi mo mabibigyan ng sapat na oras, magtatampo lang ‘yung magpapaturo,” pagtatapos ni Jun.

    Read Next
    Recommended Videos
    Sorry, no results found for
  • POLL

    • Quiz

      Quiz Result