AMININ natin, hindi pa ganoon kalakas ang football culture sa Pilipinas. Baka matagal pa bago mangyari ito.
Pero noong Martes ng tanghali, habang nagbabakbakan ang E.A.T, It’s Showtime at Eat Bulaga sa noontime ratings, maraming Pinoy ang tumutok sa Filipinas sa laban nito sa host country New Zealand sa FIFA Women's World Cup.
Salamat nga pala kay Manny V. Pangilinan sa pagkakataong ito.
READ: How Filipinas can reach round-of-16 of World Cup
Maraming football experts ang tumaya sa No. 26 Ferns, tawag sa women’s football team ng New Zealand, dahil galing ito sa 1-0 panalo kontra world No. 12 Norway habang lumasap ng 0-2 talo ang No. 46 Filipinas sa kanilang World Cup debut versus Switzerland.
Bukod sa galing sila sa panalo, paborito ang Ferns dahil majority ng mahigit 30,000 tao na nanood sa Sky Stadium ay mga kababayan nila.

Pero, sorry at may pagka-maldita ang dating Malditas (ang dating tawag sa Filipinas). Hindi sila sumunod sa script at sa ika-24 minuto ng first half nangyari ang di malilimutang play sa kasaysayan ng Philippine football.
Isang napakagandang pasa ni Sara Eggesvik ang dumapo sa ulo ni Sarina Bolden at ang kanyang header ay lumusot sa tila natarantang goalie ng New Zealand na si Victoria Esson.
Score: 1-0 pabor sa Pilipinas.
Pero ang mga sumunod na minuto ay parang pagtulay sa alambre ang ginawa ng Filipinas. Nasugatan ang Ferns, tumapang at naging mas agresibo. Sa katunayan napakarami nilang pagkakataong tumabla.
Isa na rito sa ika-68 minuto nang pumasok ang header ni Jacqui Hand. Pero, teka. Sabi ng V.A.R. (video assistant referee), offside si Hannah Wilkinson, ang nagpasa kay Hand. Kaya balik sa 1-0 ang score pabor sa Pinas.
Kaya nagpatuloy sa pagtulay sa alambre ang Filipinas at pagdarasal ng mga Pilipino at sa mga huling minuto ng laro, muling nagtangka ang New Zealand na tumabla pero natapik ni Olivia McDaniel ang panablang attempt ni Grace Jale.
For more stories about the Filipinas, click HERE
At tumunog na ang final whistle. Nagdiwang ang mga kababayan natin sa Sky Stadium sa isang historic win ng Filipinas sa World Cup. Kasama ring nagbunyi ang mga Pinoy na tumutok sa telebisyon noong tanghaling iyon.
Hindi na lamang “unang narinig ang Lupang Hinirang” sa World Cup ang magiging kuwentuhan simula ngayon. Umukit ng panalo ang Pilipinas sa pinakamalaking stage ng football sa buong mundo.

Nangyari ito dahil sa utak at gawa ng Filipinas. Ang header ni Bolden, ang buwis-buhay saves ni McDaniel at ang pagsunod ng Filipinas sa game plan na inilatag ni Australian coach Alen Stajcic.
Sana hindi masayang ang panalong ito ng Filipinas at lalo pang yakapin ng mga Pinoy ang tinatawag na “world’s beautiful game.”
Malupet kayo, Filipinas!
Get more of the latest sports news & updates on SPIN.ph
NOTICE ON UNAUTHORIZED AND UNLAWFUL USE, PUBLICATION, AND/OR DISSEMINATION OF SPIN.PH CONTENT: Please be notified that any unauthorized and unlawful use, publication, and/or dissemination of Spin.ph’s content and/or materials is a direct violation of its legal and exclusive rights to the same, and shall be subject to appropriate legal action/s.