Binuhat ng apat na lalaking nakabihis-Griyego ang Pilipinong coach ng ONIC Esports na si Denver Miranda o mas kilala bilang si Coach Yeb. Ang entrance scene na ito ay bahagi ng pagpapakilala ng MPL Indonesia sa dalawang koponang nakasungkit ng upper bracket slots sa MPL Indonesia Playoffs: ang RRQ Hoshi at ang ONIC Esports.
Naganap ang pambihirang entrance kaninang tanghali, Abril 5, habang ipinapakilala ng MPL Indonesia ang mga koponang nakapasok sa kanilang Playoffs. Bilang top-two-seeded teams, ginawang mas kapansin-pansin ang pagpasok ng ONIC Esports at ng RRQ Hoshi sa entablado. Makikitang nakangiti ang Pilipinong coach ng ONIC, na tila hindi makapaniwala sa mga nangyayari.
"Nakakahiya na nakakatawa," pahayag ni Coach Yeb sa Spin.ph.
Nagbiro naman ang nobya at fiance ni Yeb na si Heart Sanares. "Nakakaawa lang yung nagbubuhat," sabi niya sa Spin.ph.
Ngunit pinuri din naman ni Sanares ang MPL Indonesia.
"Grabe ang production ng Indonesia," aniya. "Kaloka, nakakagulat! Nakakaawa lang yung nagbuhat," ulit niya.
Pareho sanang Pilipinong coach ang nakamando sa ONIC at RRQ, subalit "pinagpahinga" muna ng RRQ si Michael Angelo Bocado o mas kilala bilang Coach Arcadia, na kasalukuyang nasa PIlipinas.
Panoorin ang makasaysayang kaganapan sa MPL Indonesia kung saan binuhat ng mga naka-costume na kalalakihan si Denver Miranda, aka Coach Yeb.
May dagdag na ulat ni Carlos Pineda.
Get more of the latest sports news & updates on SPIN.ph