Rank Country Gold Silver Bronze Total
    View Today
    Sun, Oct 1

    Nasaan na nga ba si Luisito 'Lindol' Espinosa?

    Nasaan na nga ba si Luisito 'Lindol' Espinosa?
    Oct 5, 2018

    MARAMI na tayong nasubaybayang atleta na matapos sumikat at magkapera, pero nang malaos ay nalugmok din ang buhay, na tila hindi na alam kung kaya pang bumangon. O sadyang ayaw nang bumangon at lumaban sa hamon ng buhay.

    Pero, marami din naman ang nagsikap bumangon at nakapagsimulang muli ng panibagong buhay.

    Isa na rito si Luisito ‘Lindol’ Espinosa.

    Nasaan at kumusta na nga ba ang dating hinangaan ng sambayanang Pilipino?

    “Sa (Dalian) China na ako naka-based, nagtatrabaho ako sa Everlast Gym doon,” panimula ni Louie (palayaw ni Espinosa), nang maka-chat natin.

    Opo, nakabase na ang dating world champion sa China, matapos ang mahigit 15 taong paninirahan sa Amerika, kung saan niya naranasan ang mga matitinding pagsubok ng buhay.

    “Nung nandon pa ako sa America, may kumuha sa akin sa Hong Kong sa Everlast Gym, tapos na promote ako dito sa China (branch),” lahad ni Louie.

    “Okey naman ako ngayon, nagsisimula ulit,” aniya.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

    Balikan muna natin ang maningning na boxing career ni Louie.

    Nagsimulang maging professional boxer si Louie noong 1984 mula sa gabay ng amang si Deo Espinosa. Taong 1989 sa Bangkok, Thailand, ginimbal ni Espinosa ang mundo ng boksing, nang i-knockout sa unang round si Khaokor Galaxy, ang noo’y pinakamatikas at pamosong pambato ng Thailand. Naagaw ni Espinosa mula kay Galaxy ang WBA bantamweight crown, na dalawang beses niyang naidepensa bago inagaw sa kanya ni Israel Contreras (via 5th round knockout) noong 1991.

    CONTINUE READING BELOW ↓
    Watch Now

    Muling naging world champion si Espinosa noong 1995, nang talunin si Manuel Medina (unanimous decision) para sa WBC featherweight title.

    Naidepensa niya ang nasabing korona laban kina Alejandro ‘Cobrita’ Gonzalez (4th round KO) at Cesar Soto (UD). Pitong beses naidepensa ni Espinosa ang WBC belt, bago natalo noong 1999 sa kontrobersyal na laban kay Sotto.

    Kasama sa title defenses na iyon ang laban niya kay Carlos Rios sa Koronadal, South Cotabato. Na bagamat nagwagi sa laban, hindi naman nabayaran ng buo ang kanyang premyo.

    Magpahanggang sa ngayon ay wala pang balita si Louie kung kailan niya masisingil ang halagang US$130,000 purse. Ito’y sa kabila ng ruling ng Court of Appeals na pinagbabayad ang mga taong sangkot sa nasabing usapin.

    “Kailan ko kaya matatanggap ‘yong premyo ko (sa Rios fight)? Ang tagal ko nang naghihintay, pero hindi ko alam kung may pag-asa pa ba,” wika ni Espinosa.

    SEE ALSO
    SEE ALSO

    Kasama ang dating misis, ilang beses pang lumaban si Espinosa habang nasa Amerika. Ang pinakahuli’y noong 2005, knockout siya sa kamay ni Cristobal Cruz at iyon ang naging dahilan para magretiro.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

    Iba’t ibang uri ng hanap-buhay ang pinasok ni Espinosa sa Amerika (Los Angeles at San Francisco) matapos magretiro. Nagtrabaho bilang dishwasher, taga-stock ng shelves sa grocery at iba pa.

    Hindi itinanggi ni Espinosa na may mga bagay siyang pinagsisihan sa mga nangyari sa buhay niya. Isa na ang tungkol sa dating asawa.

    “Ang hirap ng buhay ko noon, tapos nagka-problema kami nung misis ko hanggang nagkahiwalay, malungkot,” pagbabalik-tanaw ng mag-50 taong gulang na dating kampeon na nagretirong may record na 47-13 (win-loss).

    “Siguro hindi ako dapat nagmadali (sa pag-aasawa). Nagkamali ako, kaya pati ang family ko noon halos nakalimutan ko, kasi sa kanya na umikot ung buhay ko,” kuwento niya.

    Pero, tulad sa kasabihan, pagkatapos ng unos, sisikat ang araw. At iyan ang napatunayan ni Espinosa ngayon.

    Hindi na siya malungkot na gaya noong nasa Amerika.

    Ang dahilan? May bago na siyang mahal sa buhay at nagsisimula na rin silang bumuo ng pamilya.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

    “Masaya ako ngayon, heto, natagpuan ko na ‘yung masasabi kong tunay na nagmamahal sa akin,” natutuwang kuwento ni Espinosa.

    Nakilala ni Espinosa ang bagong misis sa pamamagitan ng Facebook.

    “Janet Abrea ang pangalan niya, taga-Davao, at may anak na rin kami,” dagdag niya.

    Katunayan, nagbakasyon si Espinosa sa Davao dahil pinabinyagan ang nasabing anak na si Scarlett noong Marso 4.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

    “Nag-iipon ako ulit para makabawi, gusto ko rin makita ung tatlong anak ko (sa former wife), sina John Louie, Janika at Niko, matagal ko na rin hindi sila nakikita (nasa Pangasinan),” lahad pa ni Espinosa.

    Para kay Espinosa, binigyan siya ng Panginoon ng panibagong pag-asa upang makapagsimulang muli. Kaya naman, unti-unti na rin niyang kinakalimutan ang mga hindi magagandang nangyari sa kanya.

    “Ok na ngayon, binigyan ako ni Lord ng chance na makapagsimula ulit, kaya napakalaki ng pasasalamat ko,” pagtatapos ni Espinosa.

    Get more of the latest sports news & updates on SPIN.ph

    Read Next
    Watch Now
    Sorry, no results found for
  • POLL

    • Quiz

      Quiz Result