MATAPOS maging laman ng mga pahayagan at telebisyon ang paglantad bilang kauna-unahang gay na Pilipinong boksingero, kumusta na si Roilo Golez aka Yohana Sawana Satorta?
Natiyempuhan natin si Roilo/Yohana isang araw ng Linggo habang palakad-lakad sa Sky Dome (SM North Edsa) matapos ang boxing promotion ni dating world champion Gerry Penalosa.
Naka-dress ng kulay berde at three-inch high heels na sapatos habang rumarampa.
Kaway-kaway sa mga fans. Tsika dito, picture doon.
At ano ang ginagawa niya sa isang boxing event?
“Boksingero pa rin naman ako ah!” deklara niya. "Katunayan, nag-eensayo ako, kasi may schedule (fight) ako ngayong Oktubre.”
Para kay Roilo/Yohana, dahil ang boksing ang nagbigay sa kanya ng lakas ng loob para lumantad, sa pamamagitan rin ng boksing niya gustong matupad ang pangarap na buhay.
“Gusto ko mag-champion uli. Gusto ko magkapera, para magkapamilya,” lahad ng 31-anyos na gay boxer.
“Gusto ko magkaroon ng tunay na pagmamahal, makahanap ng lalaking tunay na magmamahal sa akin, makabuo ng pamilya. Mamuhay ng masaya at walang gulo.”
NO TO SEX CHANGE
Kahit lantaran na ang kanyang pagiging isang gay, hindi pa rin umano pumapasok sa kanyang isipan ang magpapalit ng kasarian.
“No. Wala akong plano, tama na sa akin ito,” aniya.
“Kung sakaling makatagpo ako ng lalaking tunay na magmamahal sa akin, ang plano ko mag-aampon na lang kami para mabuo ung pamilya,” paliwanag ni Roilo/Yohana.
GAY BEAUTY PAGEANT
Dahil wala na siyang itinatago, bukas din si Roilo/Yohana sa pagsali sa mga gay contests.
“Gusto ko nga sumali dun sa Showtime ‘yung Miss Q&A, tingin ko carry ko, I can manage to answer,” sambit niya.
“I want to become a famous and beautiful boxer in the world,” kumpiyansang sabi pa niya.
PAGBABALIK-TANAW
Pitong taong gulang pa lamang si Roilo/Yohana ay batid na niyang kabilang siya sa third sex.
“Seven years old, bakla na ako, pero tagung-tago.”
Ano ang nag-udyok sa kanya para maging boksingero?
“Ganito kasi iyon: nung Grade 3 ako may nambu-bully sa akin na nasa higher grade. Binarkada ko siya. Tinuruan niya ako magboksing.
"Ayoko talaga, kaya lang takot ako sa kanya baka bugbugin ako. Pinalad naman ako sa unang laban. Kaya, nagustuhan ko na ang mag-boksing. Tapos maganda rin ang kita, kaya sineryoso ko. Pero, hindi pa rin ako lumantad.”
Taong 2011, wagi si Roilo/Yohana sa kanyang laban sa Thailand at tinanghal na WBC Asian Boxing Council champion. Ito na ang hinihintay niyang pagkakataon upang tuluyan nang ipakita ang tunay na kulay ng kanyang dugo.
“Nung mag-champion ako, sabi ko, ‘Ah champion na ako, wala na mag-discriminate sa sa kin’ kaya inamin ko na, bakla ako,” litanya niya.